ASUNCION

Che Sarigumba - Filipino Short Story Author

Ang unang storya ay isinulat ni Che Sarigumba

Si Che Sarigumba ay isang correspondent sa Dateline Philippines (Online news bureau). Bukod roon ay nagsusulat din siya ng mga samut-saring artikulo hingil sa mga pangyayaring sa ating bansa, mapamalaki man yan o maliit. Isang daan upang maliwanagan ang mga isyu na bumabalot sa kababaihan, kabataan at kung anu-ano pa.

Isa rin sa kinahihiligan niya ang pagkatha ng mga maiikling kwento at nobela. Ang isa sa kanyang nobela ay nagkamit ng unang gantimpala sa Pinoy Story Writing Contest ng National Book Development Board (NBDB) noong nakaraang taon.

Sa ngayon, isa pa sa pinag-uukulan niya ng panahon ay ang lalo pang mapayaman ang kanyang kaalaman sa pagsulat ng tula. Sa tulong ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) na itinayo ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio Almario (Rio Alma).

ASUNCION
Maikling katha
Ni Che Sarigumba

Pagpanaw ng isang mahal sa buhay, biglaang pagkalanta ng mga bulaklak o kaya ay ang hindi maipaliwanag na pagkatuyo ng kumikinang na tubig sa batis, sa mga ganitong pamamaraan mo maaaring ilarawan ang isang pangyayaring hindi mo inaasahan, isang pangyayaring bigla na lang sumalakay sa iyo ng hindi mo namamalayan.

Kagaya na lamang ni Asuncion, isang babaeng nasa ikapitumpu’t limang taong gulang ng kanyang buhay. At dahil nasa huling yapak na siya ng kanyang katandaan, hindi nakaligtas sa kanya ang isang kakat’wang pangyayari, na maging siya ay hindi namalayang kakatagpuin.

Si Asuncion, bagamat maagang kinailangan ng tagapaglikha ang kanyang kabiyak ay hindi naging dahilan iyon upang matigil na rin sa pag-inog ang kanyang mundo. Hindi rin sila biniyayaan ng supling kaya’t namuhay na lamang siya ng mag-isa. Ang isinasa-isip na lamang niya ay may takda sa kanya ang Panginoon. Ang pagkakait ng pamilya ay hindi naging kawalan sa babaeng pawang mga puting hibla na ang buhok. At ngayon nga habang namamahinga siya sa kanyang sariling silid, hindi nakaligtas sa kanyang gunita ang mga nagdaang pangyayari, mga kaganapan ng siya ay hindi pa natataling puso. At sa pagdadaiti nga ng pilik-mata ni Asuncion ay tuluyan ng naglakbay ang kanyang diwa. Sa lugar kung saan pawang magagandang alaala ang nakapinta.

Sa edad na dalawampu’t lima ay nagbalak ng lumagay sa tahimik si Asuncion. Kaya’t ng yayain na siya ng kanyang kauna-unahan at nag-iisang nobyong si Miguel ay hindi siya nagdalawang isip na sumang-ayon. At agad naitakda ng dalawa ang araw na magtatapos ang kanilang pagiging binata at dalaga. Masayang-masaya sila kapwa habang inaayos na nila ang nalalapit nilang pagharap sa dambana. Kapwa sila naging abala kaya’t miminsan na lamang silang nakakapamasyal, nakakakain sa labas ng magkasama at nakakapanood ng kinahihiligang pelikula ni Asuncion.

Gayunpaman, hindi nanlamig ang dalawa, sa mga nagaganap, lalo lamang silang nananabik na mamuhay ng magkapiling sa iisang bubong. Lalo lamang nilang naramdaman na wagas ang kanilang pagtitinginan at kahit ano pa man ang mangyari ay walang makakabuway sa tibay ng kanilang pag-iibigan. Ang itinayo nilang moog ang naging lakas nila upang kaharapin ang bawat pagsubok na kanilang makakasalamuha sa hinaharap.

Araw ng kanilang kasal, maluha-luha pa si Asuncion sa labis na kagalakan habang inaayusan siya. Hindi siya mapakali, tila ba sinisilaban siya sa kaniyang kinauupuan.

“Kung gagalaw ka ng gagalaw, malamang hindi ko matapos ang ginagawa ko,” natatawang saad ng baklang nag-aayos kay Asuncion. Hindi na ito nakatiis na hindi sawayin ang ikakasal. Oo nga’t sanay na siya. Marami na siyang naayusang ikinasal. Ngunit sa lahat ay kakaiba si Asuncion.

“Pasensiya kana, hindi kasi ako mapakali eh,” paghinging depensa ng inaayusan.

“Ganyan talaga ang pakiramdam. Pero kung lilikot ka naman ng lilikot eh baka nagsisimula na ang kasalan andito parin tayo,” nangingiti paring tugon nito kay Asuncion.

Naiintindihan naman niya ito subalit ayaw niyang magmukhang pangit si Asuncion. Para sa kanya, karangalan ng maituturing ang makitang namumukod tangi si Asuncion sa lahat ng naroon.

At upang mapadali nga ang pag-aayos ay pumirme na si Asuncion. Halos hindi na ito humihinga huwag lamang magambala ang ginagawa ng kanyang kasama. At isang iglap nga lamang ay maayos na maayos na si Asuncion. Pinakatitigan niya ang kanyang sarili sa malaking salamin, napamaang siya, halos hindi niya mapigilan ang mapalatak ng makita ang kanyang kabuuan. Pakiwari niya ay isa siyang prinsesa ng mga sandaling iyon.

“Lalo kang gumaganda dahil sa kislap ng mga mata mo,” pansin sa kanya ng baklang si Cora, ang nag-ayos sa kanya, nang pakatitigan niya itong mabuti. Kitang-kita niya ang sayang lumulukob sa buong kaanyuan ni Asuncion.

“Maraming salamat,” naisagot na lamang ni Asuncion ng walang mahagilap na kahit na isang salita.

Ang kasiyahang kanyang nararamdaman ay hindi niya mabigyang tinig. Kulang ang bawat kataga upang mailabas ang galak sa kanyang puso, ang tuwa, ang sayang kanyang nararamdaman.

Nang handa na si Asuncion ay kaagad siyang lumulan sa sasakyang maghahatid sa kanya sa lugar ng kanilang tipanan ni Miguel. Sa lugar kung saan sila manunumpa sa harap ng malalapit nilang mga kaibigan at minamahal. Bukod sa drayber ay wala na siyang kasama sa sasakyan.

Lihim na hinihila ng ngiti ang labi ni Asuncion sa tuwing maiisip niya si Miguel. Nang mga sandaling iyon ay napuno ng iba’t-ibang isipin ang utak ng babaeng ikakasal na maya-maya lamang. At lahat ng iyon ay pawang magaganda. At upang lalo pang namnamin ang magagandang pangyayaring kanilang kakaharapin ni Miguel ay pinilig pa niya ang kanyang ulo at pagkuwa’y marahang ipinikit ang kanyang mga mata. Napapangiti siya sa samut-saring kaganapang kanyang nabubuo, mga masasayang pangyayaring bubunuin nila ni Miguel ng magkasama.

At sa biglaang pagtigil ng kaniyang kinalululanang sasakyan ay agad nagulantang ang lumilipad na utak ni Asuncion. Sa kabiglaan ay agad niyang naibuka ang kanyang mga mata at inaninag kaagad ang lugar na kaniyang kinaroroonan. Ngulat pa siya nang sa kanyang paglingon sa labas ng sasakyan ay naroon na si Miguel, nakangiti habang naghihintay sa kanya.

“Andito na pala ako,” nakangiting bulong ni Asuncion sa sarili.

Natatawa siya pagkat hindi man lang niya namalayang naroon na pala sila sa lugar na magiging saksi ng kanilang pag-iibigan ni Miguel.
Ipinagbukas pa siya ng pinto ni Miguel at ng tumambad sa kanya ng malapitan ang maamo at guwapong mukha ng mapapangasawa ay napatanga na lamang siya. Napakakisig nito sa kanyang paningin. Bigla tuloy binundol ang kanyang puso ng mapadaiti ang kanyang palad sa palad ng lalaki. Napakislot pa siya ng maramdamang nanulay ang mainit na kuryenteng nangaling sa kamay nito. Pakiramdam niya’y hihimatayin siya sa labis na kaligayahan.

“Kay sarap ng pakiramdam”, iyon ang ibinubulong ng puso ni Asuncion. “Sanay hindi na matapos ang kaligayahan kong ito”, dagdag pa ng utak ng babaeng haharap sa altar.

Habang naglalakad sila patungo sa bukana nang simbahan ay bigla na lamang siyang napatigil, kinakabahan siyang napalingon kay Miguel. Ang sayang naglalaro sa kanyang balintataw ay biglang naglaho. Hindi niya ngayon mawari kung paano haharap sa katipan, natatakot siyang baka magalit ito kapag nalaman nito ang kanyang nagawa.

“O bakit? May problema ba?” nagtatakang tanong ni Miguel ng mapansing biglang nawala ang ngiti sa labi ng babaeng kanyang pag-uukulan nang buong panahon.

Nangangamba siyang masumbatan. Kung ngayon pa nga lamang na ikakasal pa lamang sila ay nakakalimutan na niya ang isa sa bagay na mahalaga sa gaganaping kasiyahan, paano pa kaya sa mga darating na panahon? Hindi naman siya makakapayag na walang hawak na bulaklak habang naglalakad papalapit sa altar. Magiging kulang ang napaka-espesyal na araw na iyon para sa kanya. Kaya’t napagpasiyahan niyang harapin ang galit ni Miguel kung sakali.

Humarap siya dito sabay sabing, “Kasi…ano eh… naiwan ko yung bouquet sa bahay,” nauutal na sagot ni Asuncion sa lalaki. Kahihiya-hiya ang kanyang ginawang pagkalimot kaya’t hindi siya mapatingin ng tuwid sa mapapangasawa.

Agad namang nangunot ang noo ni Miguel sa narinig. “Sigurado ka bang naiwan mo? Baka naman nasa kotse lang.” Pagkasabi niyon ay agad bumwelo si Miguel. Tiningnan niya kaagad ang sinakyang kotse ni Asuncion subalit ni isang talulot ay wala siyang natagpuan. Ipinag-utos na lamang niya sa isa sa mga naroon ang pagkuha niyon.
“Pasensiya kana ha,” hinging paumanhin ni Asuncion sa katipan habang naghihintay sila sa pagbabalik ng kanilang inutusan.
“Okay lang ‘yun.”
“Pero…”
Subalit hindi na naituloy pa ni Asuncion ang kung ano man ang nais niyang sabihin. Pinigil na ang pag-awang ng kanyang mga labi ng labi ng kanyang kasintahan. At sa ginawang iyon ni Miguel ay kaagad nawala ang kanyang alinlangan. Agad na napalagay ang kanyang loob. Sigurado na kasi siyang walang hinampo sa kanya ang lalaki.
Ang kasalang iyon ay kaagad natuloy sa pagbabalik ng lalaking inutusan ni Miguel upang kuhanin ang naiwan ng kasintahan. Pawang lahat ay naging masaya sa pag-iisang dibdib ng dalawang nilikha na pinag-isa ng dahil sa pag-ibig na animo’y batis sa kalinisan.

Ang kanilang mga nagdaang taon ay pawang masasaya, tila ba parati na lamang silang bagong kasal. Masayang-masaya si Asuncion sa piling ng kanyang asawang si Miguel. Bukod kasi sa napakabait nito ay napakasipag pa. Lahat ay ginagawa nito mabigyan lamang siya ng karangyaan na hindi naman niya hinihingi. Pagkat ang makasama ito ay sapat na para sa kanya.

“Mukhang wala na talagang pag-asa pang magkaanak tayo,” nalulungkot na saad ni Asuncion ng sa kanilang pamamahinga ay magkatabi silang nakahiga sa kama.

“Maghintay na lamang tayo. Wala namang mawawala kung susubukan parin natin hindi ba? Pasasaan ba’t makakamit din natin an gating kanaisang magkaanak. Basta’t manalig lamang tayo.” masuyong saad ni Miguel sa asawa. Batid niya ang kanaisan nitong magkaroon sila ng supling subalit mukhang hindi na sila mapagbibigyan pa.

“Paano kung hindi na? Mamahalin mo parin ba ako?”

“Oo naman. Mahal kita at patuloy kitang mamahalin kahit ano pa ang mangyari.”

Sa mga narinig ay napayakap si Asuncion sa asawa.
Ang buong akala ni Asuncion ay magtatagal nang ganoon ang kanilang pagsasama. Subalit ilang taon lamang pala silang magiging masaya. Sumakabilang buhay si Miguel at labis iyong ipinagluksa ni Asuncion.
Trabaho, trabaho at trabaho ang ginawang libangan ni Asuncion huwag lamang makaramdam ng lungkot sa kanyang pag-iisa. Hanggang sa dumating ang sandaling natutunan na rin niyang tanggapin ang kapalaran nila ni Miguel. At muli ay bumalik sa dating masayahin si Asuncion. Na kahit na nahirapan sa simula ay nalampasan din niya.
At upang hindi makaramdam ng pag-iisa at upang makaraos sa kanyang pang araw-araw na pangangailangan ay kumuha siya ng makakasama at iyon ay si Lilia. Sa kanyang hindi naman kalakihang bahay ay naging masaya siya kasama si Lilia. Ni minsan man sa kanyang pamamalagi sa mundo ay hindi naukil o kahit sumagi man lang sa kanyang gunita na maghinanakit sa Diyos. Bagkus ay lalo pa siyang naging malapit dito.
Karangalang maituturing para kay Asuncion ang magkaroon ng kapanalig, at maituturing na kapamilya na gaya ni Lilia. Bukod kasi sa mabait ito ay maasikaso pa ito sa matandang pinagkaitan ng pamilya, kay Asuncion. Sa tinagal-tagal na ng kanilang pagsasama ay nagturingan na sila kapwa na magkadugo. Ang tiwala namang ibinigay ni Asuncion kay Lilia, saglit man ay hindi nasayang, sapagkat totoong napakabuti nito sa matanda.

Kung may isa mang maipipintas si Lilia sa matanda ay ang pagiging makakalimutin nito. Lahat ng gamit na nalalapatan ng kamay nito ay dagliang napapawi sa ala-ala, na tila hindi nito binibigyang kabuluhan kahit na kanyang sariling pag-aari. Gaya na lang ng salamin nito sa mata na kahit suot na niya ay hinahanap parin kay Lilia. Minsan nama’y ang pitaka nito na halos mabaliw na si Lilia sa paghahagilap ngunit naisilid lang pala ni Asuncion sa kanyang dalang bag. Kaya lahat ng kilos nito ay palaging sinusubaybayan ni Lilia, sa tuwing may mahahawakan ang mga kamay ng matanda ay parating nakatanaw si Lilia, na parang isa siyang tagahukom, na inuusisa at pinag-aaralan ang bawat galaw ng may sala.

Madasalin si Asuncion, isang tapat na alagad ng simbahan. Tuwing linggo ay laman ito ng simbahan at kasa-kasama niya si Lilia. Hindi naman ito makaalis ng mag-isa dahil sa katandaan nito. Mahirap nga naman, baka mamaya ay kung ano pa ang mangyari kay Asuncion sa daan. Kaya laging nakabuntot si Lilia saan man magtungo ang kanyang amo.

Linggo, nagsisimula pa lang tumilaok ang manok ay mulat na mulat na si Lilia. Agad niyang nilinis ang buong kabahayan. Pagkatapos ay nagluto na siya ng kanilang makakain. Tamang-tama naman at ng matapos na siyang maghanda ng kanilang almusal ay lumabas sa kanyang silid si Asuncion. Bihis na bihis ito, kagaya ng nakagawian, ayos ang buhok at humahalimuyak ang bango ng pabangong iwinisik nito. Suot pa ni Asuncion sa kanyang leeg ang rosario na hinubog ang bawat butil gamit ang pulang talulot ng rosas. Isa itong alaala na nanggaling pa kay Miguel ng magtaling puso sila.

Hustong alas siyete at handa na ang dalawa. Kapwa na sila nakabihis ng kanilang damit pangsamba. Nakagawian na nilang tumungo sa San Gabriel Catholic Church ng mas maaga para makaupo sa unang bahagi ng simbahan na matatagpuan lang din sa malapit sa kanilang kanlungan.

“Naiihi ako,” agaw-pansin ni Asuncion sa nagmamasi-masid na si Lilia. Lulan na sila ng tricycle nang mga sandaling iyon at binabagtas ang daan patungong bahay-panalanginan.

“Hindi ba kayo umihi bago umalis?” kunot-noong tanong ni Lilia sa matandang pinagsisilbihan.

“Nakalimutan ko eh,” mahina namang sagot ng matanda. Nahihiya siya dahil kanina lang ay ipinaalala sa kanya ni Lilia na bago umalis ay dumaan muna sa banyo, na agad namang nawaglit sa kanyang gunita.

“Mapipigil n’yo pa po ba?” nag-aalalang tanong ni Lilia sa babaeng kasama. May kalayuan pa ang kanilang tatahakin, nag-aalala siyang hindi na ito makapagpigil at bumigay na. “Tiisin niyo na lang po muna,” ang nasambit na lamang niya sa kasama.

Buong pagpipigil naman ang ginawa ng babaeng nasa kahapunang gulang ng kanyang buhay. Sa kanyang pagkakaupo ay hindi lamang miminsan siyang tumagilid pakanan at pakaliwa, mapiglan lang ang nararamdamang pamumutok ng kanyang pantog.

“Paki bagalan mo nga ang takbo,” utos ni Asuncion sa drayber ng kanilang sinasakyan.

Agad namang tumalima ang nasabing lalaki, sinunod niya ang kagustuhan ng matanda at binagalan nga niya ang pagpapausad niyon. Ngunit lalo lang nakaramdam ng pagkaihi si Asuncion. Muli niyang ipinag-utos sa drayber na pausarin ng mabilis, maya-maya pa ay iba na naman ang kanyang iniutos, pinabagalan na naman niya.

Halatang nayayamot na ang lalaki sa ginagawa ni Asuncion kaya ng mga sumunod na inutos nito ay hindi na niya muli pang sinunod. Pinausad niya ang kanyang tricycle ng tama lang ang bilis, hindi mabagal at hindi naman kabilisan.

Nais ng bumaba ni Asuncion sa kinalululanang tricycle upang umihi na lang muna kung saan, subalit wala siyang makitang maaari niyang pagkublian. Ipinasya na lamang niyang ipagpatuloy ang pagsakay kahit na bugal-bugal na ang namumuong pawis sa kanyang noo.

Nang matanaw na niya ang simbahan na kanilang patutunguhan ay nakahinga siya ng maluwag. Sa wakas nga naman, ang kanina pang tawag ng kanyang katawan ay mapapaunlakan na niya. Muntik ng mawala sa isip ni Asuncion na bayaran ang mamang drayber. Mabuti na lang at bago sila bumaba ay pinaalala iyon ni Lilia. Sa pagmamadali nga ay hindi na nila nakuha pa ang sukli.

Halos takbuhin na ni Asuncion ang daan patungo sa banyo makarating lang agad. Ilang hakbang na lang ang layo nila ng makarinig siya ng boses na pamilyar na pamilyar sa kanya, kay Maring ang boses na iyon, isa niyang kaibigang matalik.

Kung iyong susuriin, malaki ang pagkakaiba ni Maring at ni Asuncion. Kung si Asuncion ay makakalimutin, si Maring naman ay kabaliktaran. Lahat ng bagay ay natatandaan nito, mahalaga man o hindi. Kahit na ang pinakamaliit at walang kabuluhang mga bagay ay hindi nawawaglit sa isip nito. Ika nga ay napakatalas ng pag-iisip sa gulang nito na pitumpu.

Agad siyang lumapit sa kaibigan at nakipagbatian at pagkuwa’y agad ding nagpaalam. Hila-hila niya ang kamay ni Lilia patungo sa nasabing silid-ihian. Laking panlulumo niya ng mapansing walang bakanteng cubicle, lahat ay okupado.

Sa pagkakataong iyon ay nais na niyang sumalampak sa sahig mapigil lang ang pagmamaktol ng kanyang pagkababae. Ngunit maraming tao ang naroon, at nakakahiya naman kung kanya iyong gagawin. At upang hindi gaanong makatawag ng pansin ang kanyang naghihirap na katawan ay kinuha na lamang niya ang kanyang suklay sa dalang bag at inayos ang buhok. Subalit kahit anong gawin niyang abala sa kanyang sarili ay wala paring pagbabago ang nararamdaman niyang paghihirap.

Saglit pa ay naghintay siya at nang mabakante ang isang cubicle ay agad siyang pumasok. Muntikan pa siyang mapasubsob sa labis na pagmamadali.

Nakahinga siya ng matiwasay ng makatapos siyang makaihi. Sa kanyang pagtayo ay bigla na lang siyang napatili ng malakas. Nagulat ang mga babaeng naroon. Lalo na si Lilia at agad kinatok ang pinto ng inokupa nitong cubicle. Agad naman itong binuksan ni Asuncion at sumugod sa loob si Lilia. Sabay tanong kung anong nangyari at bigla na lang itong sumigaw.

“Nakalimutan kung magsuot ng panty!” pikit-matang wika ng matanda kay Lilia.

Bigla namang nanlaki ang mata ni Lilia sa narinig at nakita. Aminado siyang makakalimutin si Asuncion pero hindi niya akalaing pati ang pagsusuot nito ng panty ay makakalimutan pa. Hindi niya lubos maisip kung paano hindi napansin ng matanda na wala pala siyang damit panloob. Mabuti na lang at makapal ang paldang suot nito. Kahit papaano ay makakatulong ito upang hindi mahalatang walang saplot na panloob ang matandang kanyang pinaglilingkuran.

Nais na sanang umuwi ni Asuncion sa kahihiyan sa sarili. Ngunit mapilit si Lilia na tapusin muna nila ang misa. Naiintidihan naman siguro ng Diyos ang kanyang kalagayan. Sinabi rin ni Lilia kay Asuncion na hindi naman halatang wala itong saplot na panloob. Matagal ding nag-isip si Asuncion at pagkuwa’y niyakag niya si Lilia papasok sa loob ng simbahan.

Nakakapanghinayang naman kung hindi sila dadalo. Iyon ang talagang sadya nila kaya pikit mata na lang na pumasok si Asuncion at inisang tabi ang isiping wala siyang suot na panty. Si Lilia naman ay hindi niya pinaaalis sa kanyang likuran habang sila’y nakatayo. Nang makaupo na sila ay hindi parin mawaglit sa kanyang isipan ang nakakahiya at mahiwagang pangyayari na iyon. Kahit nagmimisa na ang pari ay iyon parin ang bumabagabag sa isip niya. Nagpasya si Asuncion na manalangin na lang at harapin ng may tapang ang kanyang sitwasyon sa oras na iyon.

“Panginoon, nakakahiyang humarap sa inyo ng walang panty. Pero siguro naman naiintindihan ninyo ang aking saloobin. Hindi ko naman po ito ginusto. Sadya na nga po yatang matanda at makakalimutin na ako. Huwag nyo naman sana akong pagtawanan. Medyo nilalamig na nga po ako doon, sa… alam n’yo na… Pigilin po ninyo ang hagupit ng hangin para po hindi liparin ang aking palda. Ikumbli n’yo na lang po sana ang aking pagkakamali para po hindi ako mapagtawanan… Amen.”

Nang matapos makapangaral ang pari ay muli na naman niyang hinila si Lilia sa kanyang likuran. Mabilis nilang sinuyod ang maraming tao, na para bang mga kriminal sila na nagmamadali marating lamang ang ligtas na lugar. At laking tuwa ni Asuncion ng marating nila ang lugar kung saan alam niyang ligtas siya sa kahihiyan.

Pasakay na sila ng matawag ang kanyang pansin ng babaeng nagmamadali sa paglalakad na sukbit ang may kalakihang bag. Nang muli niyang sulyapan ang babae na sa pakiwari niya ay nasa apatnapu lang ang edad, may napansin si Asuncion sa balikat nito at agad niya itong nilapitan at binulungan.

Bigla namang namilog ang malalaking mata ng babae at pagkuwa’y ibinaba nito ang tingin sa sinabi ng matandang babae na lumapit sa kanya. Sa kanyang paglingon sa balikat, nakita niya nga ang sinasabi ni Asuncion. Nakita niyang nakasampay sa kanyang balikat ang isa sa kanyang panty, ang kulay lila niyang panty na halatang halata sa suot niyang dilaw na damit pang itaas.

Sa pagmamadali niya ay hindi na niya napansin ang panty na kinuha niya sa kanyang drawer at isinampay sa kaniyang balikat habang naghahagilap ito ng panyo. Biglang nawalan ng kulay ang mukha ng babae sa kahihiyan. Ang kanina ay malarosas nitong pisngi at mamula-mulang labi ay bigla na lang nagkulay puti, kasing puti ng malinis na papel na kahit isang letra ng alpabeto ay hindi nag-abalang dumalaw.
Sa labis na kalituhan ay agad niyang kinuha ang panloob na nakasabit sa kanyang balikat at mabilis na isinilid sa kanyang dalang bag.

Napangiti naman si Lilia kay Asuncion. Maging si Asuncion ay nagpakawala ng tipid na tawa at isang bulong sa langit, “Salamat po!” May isa pa palang higit na mas nakakahiya kaysa kay Asuncion.
Tunay ngang mahiwaga ang araw na iyon ng sumakay ang dalawa sa sasakyang maghahatid sa kanila sa kanilang paroroonan.

Nang balikan naman ng tanaw ng babae ang matanda ay hindi na niya ito nahagilap. Bigla itong naglaho sa kanyang harapan. Kasing bilis ng pagtanggal niya ng kanyang panty na nakasabit sa kanyang balikat. Kasing bilis ng pagkawala ng kulay sa kanyang mamula-mulang pisngi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>